Manila, Philippines – Bumuo na ng task force ang PNP Romblon upang matutukan ang pagkumpirma sa umanoy isang aircraft ang bumagsak sa may bahagi ng Barangay Agbayi at Barangay Binongaan, San Agustin, Romblon.
Ayon kay Police Senior Supt. Leo Quevedo, PNP Provincial Director ng Romblon, mula pa kaninang umaga nang i-report ng isang mangingisda ang umano’y pagbagsak ng isang aircraft ay agad silang nagpadala ng tao sa lugar.
Pero hanggang ngayong hapon ay walang nakikitang debris ang mga awtoridad para makumpirmang may bumagsak na anumang uri ng sasakyang panghimpapawid.
Aniya ang pahayag lamang ng mangingisda ang pinagbabasehan ng report.
Sinabi pa ni Quevedo na kanilang binuong task force ay kinabibilangan ng PDRRMO, Philippine Coastguard, Maritime at CAAP upang tuluyang maberipika ang impormasyon.
Nakausap din daw ni Quevendo ang CAAP Aklan at sinabing wala silang namonitor na may bumagsak na anumang aircraft habang ang CAAP Palawan, hinala nila may nawawalang isang helicopter.
Dahil sa mga ganitong impormasyon kaya napilitang bumuo ng task force ang PNP Romblon.