Inatasan na ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang pagkakapatay ng Oas, Albay PNP sa 28-anyos na rent-a-car driver sa diumano’y buy bust operation na nauwi sa shoot out sa Barangay Busac, Oas, Albay.
Ayon sa naturang hakbang ng Department of Justice (DOJ) makaraang lumiham kay Guevarra si Mrs. Evelyn Bautista, ina ng biktimang si Jose Maria Arvin Samson Bautista, humiling na maimbestigahan ang insidente dahil maraming kaduda-dudang pangyayari sa sinasabing shoot out na naganap noong July 20, 2021.
Naniniwala ang pamilya Bautista na rub out at torture ang insidente at hindi shoot out dahil bukod sa isang tama ng bala sa kaliwang dibdib ay nakitaan din ng mga pasa, gasgas mula ulo hanggang puwet, palo sa likod ng ulo, bakas ng pagkakaposas o tali sa magkabilang kamay ang biktima, na nangangahulugan aniya na dinukot at pinahirapan muna ang biktima bago pinatay.
Matatandaan na si Bautista ay umalis sa Valenzuela City noong July 19 at ang paalam sa kanyang maybahay na si April ay may umarkila sa kanya patungo sa Quezon Province na one way trip lang dahil hindi na umano kasama pabalik sa Maynila ang dalawang pasahero.
Kinabukasan, July 20, ay nakatanggap ng tawag sa cellphone si Mrs. Evelyn mula sa nagpakilalang pulis ng Oas, Albay at sinabing kabilang ang kanyang anak sa napatay sa umano’y shoot out.
Umaasa naman ang mga naulila na sa pamamagitan ng parallel investigation ng NBI at sa pagdinig na isasagawa ng DOJ ay lilitaw ang katotohanan para makamit ang kanilang hustisya sa umano’y hindi makataong pagpatay sa inosenteng sibilyan.