Para kay House Deputy Majority Floor Leader at ACT-CIS Party-list Rep. Erwin Tulfo, hindi katanggap-tanggap at isang malaking insulto para sa mga senior citizen ang napakaliit na diskwentong nakukuha ng mga ito sa grocery.
Tinukoy ni Tulfo na base kasi sa Senior Citizens Act ay ₱1,300 lang ang halaga na pwedeng i-grocery ng mga senior citizen kada linggo kung saan 5% lang ang ibibigay na discount sa kanila.
Dahil dito ay dismayado si Tulfo na nasa ₱65 lang ang maaring makuhang discount ng mga senior kahit magkano pa ang total grocery bill nila.
Pinuna rin ni Tulfo ang pagbibitbit pa ng mga senior citizen ng booklet na kapag kanilang nakalimutan ay hindi sila makakakuha ng discount.
Bunsod nito ay maghahain si Tulfo, kasama sina ACT-CIS Rep. Edvic Yap at Jocelyn Tulfo ng panukala na mag-aamyenda sa naturang batas para hindi naman magmukhang limos ang diskwento na nararapat ipagkaloob sa mga lolo at lola.