Cauayan City, Isabela- Inihatid na sa huling hantungan sa pampublikong sementeryo sa bayan ng San Guillermo ang labi ng pinakamataas na pinuno ng New People’s Army ng Regional Sentro de Gravidad, Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley na napatay sa pakikipagsagupa sa mga tropa ng 86th Infantry ‘Highlander’ Battalion sa barangay San Mariano Sur ng nasabing bayan.
Ipinagkaloob ng lokal na pamahalaan ng San Guillermo ang kabaong para sa disenteng burol ni Rosalio Canlubas o mas kilala sa alyas na Ka Yuni na tubong Davao City.
Bago ilibing ang bangkay ni Ka Yuni, binigyan muna ito ng dasal at basbas ni Pastor Daniel Medina kasama ang ilang opisyal ng 86th IB at PNP San Guillermo.
Nakikiramay ang pinuno ng 86IB na si LTC Ali Alejo sa pamilya ni Ka Yuni na hindi manlang nasilayan ang kanilang kaanak sa huling pagkakataon.
Sinabi ng opisyal na kung hindi nalinlang ng CPP-NPA recruiter si Ka Yuni ay maaaring buhay pa ito ngayon at namumuhay ng payapa kasama ang pamilya.
Magugunita nitong ika-17 ng Marso taong kasalukuyan, natagpuan ng pinagsanib pwersa ng 86th IB at PNP San Guillermo ang bangkay ni Ka Yuni na inihukay malapit sa sagingan sa barangay Dingading, tatlong metro ang layo mula sa barangay na pinangyarihan ng engkuwentro sa tulong na rin ng mga residente sa lugar matapos ang engkuwentro sa kasundaluhan.
Samantala, patuloy ang panawagan ng kasundaluhan sa mga natitira pang kasapi ng NPA na sumuko at ibaba na ang mga armas upang makapagbagong buhay at makapamuhay ng tahimik bukod pa sa mga tulong na ibibigay ng gobyerno.