Nadagdagan pa ang bilang ng mga napatay, nahuli at sumukong Abu Sayyaf matapos na mapatay sa law enforcement operation ng militar at pulisya ang apat na Abu Sayyaf na kinabibilangan ng kapatid ni Mundi Sawadjaan na si Al-al Sawadjaan.
Si Mundi Sawadjaan ang isa sa responsable sa nangyaring kambal na suicide bombings sa Jolo, Sulu, noong August 2020 na ikinamatay ng 15 katao.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Cirilito Sobejana, dahil sa pagkakapatay sa operasyon sa apat na terorista may 292 local terrorist ang kanilang na-neutralize ngayong taon.
Sa bilang na 119 ay mula sa Sulu, 26 ay mula sa Basilan, pito sa Tawi-Tawi at tatlo sa Zamboanga.
Habang may 100 terorista rin mula sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, (BIFF) 13 mula sa DI-Turaife Group, at 24 mula sa DI-Maute Group ang kanilang na- neutralize ngayong taon.
Tiniyak naman ni Sobejana na mananatili ang kanilang effort para tugisin ang mga terorista sa Mindanao na naghahasik ng kaguluhan sa lugar.