Napaulat na data breach sa ilang mga ahensya ng gobyerno, pinapa-imbestigahan sa Kamara

Pinapa-imbestigahan ng Makabayan bloc sa House Committee on Information and Communications Technology ang anila’y malawakang data breach sa records ng Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI), Bureau of Internal Revenue (BIR), Special Action Force Operations Management Division, at Civil Service Commission (CSC).

Ang hirit na imbestigasyon ay nakapaloob sa House Resolution 931 na inihain nina ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, Gabriela Women’s Party-list Rep. Arlene Brosas at Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel.

Ayon kay Castro, kahit itinatanggi ng naturang mga ahensya ang data breach o leak sa kanilang sistema, ay mahalaga pa rin itong mabusisi ng Kongreso.


Diin ni Castro, ito ay dahil sangkot o maaaring nakompromiso ang pambansang seguridad at ang privacy ng mamamayang Pilipino.

Nakasaad din sa resolusyon ng Makabayan bloc na hindi ito ang unang pagkakataon dahil noong 2016 ay napaulat din ang data breach sa website ng Commission on Elections na binansagang “Comeleak.”

Facebook Comments