
Nilinaw ng Philippine Navy (PN) na ang napaulat na pagdami ng durog na korales sa ilang bahagi ng West Philippine Sea (WPS) ay posibleng dulot ng natural occurrence at hindi umano gawa ng tao.
Ayon kay PN Spokesperson for the WPS Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, wala silang na-monitor na presensya ng barko na nagtatapon ng korales sa Hasa-Hasa Shoal, Escoda Shoal at Sandy Cay malapit sa Pag-asa Island.
Batay sa koordinasyon ng Navy sa Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), malaki ang posibilidad na ang naturang build-up ay dulot ng malalakas na alon at masungit na panahon nitong mga nakaraang buwan na nagtutulak ng mga korales papunta sa mababaw na bahagi ng dagat.
Matatandaang noong 2024, mismong na-monitor ng BRP Teresa Magbanua ng Coast Guard ang pagtatapon ng patay at durog na korales sa Escoda Shoal.









