Iginiit ng Commission on Elections (COMELEC) na hindi maaaring iugnay ang pagtaas ng bentahan ng mobile phone sa Surigao del Sur sa vote buying.
Ayon kay acting COMELEC Spokesperson John Rex Laudiangco, ang mga lumalabas na ulat hinggil sa na-sold out na bentahan ng cellphone sa tatlong shopping mall sa Surigao del Sur ay hindi dapat iugnay sa mga paglabag na may kaugnayan sa botohan.
Partikular na nangyari ang insidente sa mga mall na sakop ng mga bayan ng Tagbina, Barobo, at Lianga.
Aniya, ang pagdami ng mga pagbili ay hindi maaaring ituring na isang krimen pero tiniyak ni Laudiangco sa publiko ang mahigpit na koordinasyon ng COMELEC sa National Telecommunications Commission (NTC) para imbestigahan ang insidente.
Dagdag pa ni Laudiangco, ang Philippine National Police (PNP) cybercrime division ay hindi pa rin nagbibigay ng ulat sa kanila tungkol sa mga insidente ng pagbili ng boto sa Surigao del Sur.