Ikinabahala ni House Deputy Minority leader at ACT Teachers party-list Rep. France Castro ang napaulat na tensyon o iringan sa loob mismo ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon kay Castro, kung totoo ang gulo sa loob ng AFP ay maari itong humantong sa kudeta tulad dati at magkaroon uli ng sandamakmak na human rights violations at pagdanak ng dugo.
Sa pagkakaalam ni Castro, ugat ng hindi pagkakaunawaan sa AFP ang Republic Act No. 11709 na nagtatakda ng tatlong taon na fixed term sa most senior AFP officers, kabilang ang chief of staff at commanders ng Army, Air Force at Navy.
Sabi ni Castro, dahil sa nabanggit na batas ay hindi nagiging patas ang selection process at may mga opisyal sa AFP ang nalalaktawan ng promotion.
Nakakalungkot ayon kay Castro na ang matataas na opisyal ngayon ng AFP ay nakasentro sa pagkamit ng mataas na rango kaya hindi na nila matutukan o masigurado na walang paglabag sa karapatang-pantao na nagagawa ang kanilang mga sundalo.