Ikinaalarma at ikinadismaya ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang ₱27-million na halaga ng COVID-19 vaccine na hindi pa rin nagagamit at malapit nang ma-expire.
Sa pagtaya ni Drilon, sa halagang ₱500 per dose ay aabot sa ₱13.5 billion na pera ng taumbayan ang halaga ng 27 million doses ng bakuna na masasayang lang.
Para kay Drilon, bunga ito ng umano’y kapabayaan ng Department of Health (DOH) at Inter-Agency Task Force (IATF) na hindi isinaalang-alang na bawat sentimo na nalulustay ay mula sa buwis ng mamamayan.
Ipinunto pa ng senador, na dalawang taon na ang pandemya pero sablay pa rin ang pagtugon dito ng gobyerno at hindi katanggap-tanggap na sa basurahan lang babagsak ang mga bakuna na ipinangutang pa ng pamahalaan.
Sabi ni Drilon, sana nagamit na lamang ang bilyon-bilyong pisong pondo pang-ayuda sa mga nasa transport sector sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Giit ni Drilon, huwag hayaan na ma-expire ang naturang mga bakuna at bilisan ang vaccine rollout lalo na’t marami pang Pinoy ang hindi nabibigyan ng booster shot.
Umaasa rin si Drilon na huwag ng ipamana sa susunod na administrasyon ang expired na mga bakuna.