Labis na ikinabahala ni Senator Risa Hontiveros ang nakatakdang pagsasailalim ng Metro Manila sa General Community Quarantine (GCQ) simula sa Lunes, June 1, 2020.
Umaasa si Hontiveros na ang nabanggit na desisyon ay ibinase ng gobyerno sa tama o up-to-date data at tunay na sitwasyon kaugnay sa COVID-19 pandemic.
Dahil kung hindi ay maraming Pilipino ang malalagay sa panganib ang buhay dahil mas lalaki ang tyansa na mahawa sila ng virus at magiging hamon ito sa ating health care system.
Ipinunto ni Hontiveros ang patuloy na tumataas na bilang ng nadadagdag na positibong kaso ng COVID-19 sa bansa na karamihan ay nasa Metro Manila.
Giit ni Hontiveros sa pamahalaan, tiyakin na sa ilalim ng GCQ ay magiging mahigpit ang implementasyon ng mga pag-iingat laban sa virus.
Pangunahing tinukoy ni Hontiveros ang patuloy na pagpapatupad ng mas maraming COVID-19 test, pagpapatuloy ng work from home scheme, at pagtiyak na sapat ang Personal Protective Equipment (PPEs) ng mga babalik sa trabaho at mga frontliner.