Pinapaaksyunan ni Senador Win Gatchalian sa Department of Energy (DOE) at National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ang napipintong pagpapasara sa tatlong hydroelectric power plants sa Benguet.
Giit ni Gatchalian, ngayong may mga pagbabanta na malalagay sa Yellow at Red Alerts ang suplay ng kuryente sa Luzon ay kailangang siguruhin na may sapat tayong bilang ng mga plantang gumagana at maaasahan sa susunod na mga araw.
Ang pagkalampag ni Gatchalian sa DOE at NCIP ay kasunod ng pagbibigay ng cease-and-desist order sa kompanyang Hedcor Inc., na operator ng tatlong hydropower plants sa Bakun, Benguet dahil sa kabiguang makuha ang basbas ng Bakun Indigenous Tribes Organization.
Naiintindihan ni Gatchalian na may kaakibat na isyung sumasaklaw sa mga karapatan ng mga IPs sa usaping ito.
Ngunit paliwanag ni Gatchalian, dapat ay maresolba ito agad dahil ang mga plantang ito ay isa sa mga pinagkukunan ng suplay ng kuryente ng mga nasasakupang lugar sa halos tatlong dekada na.
Diin ni Gatchalian, kailangang-kailangan natin ang sapat na suplay ng kuryente ngayong nasa gitna pa rin tayo ng isang pandaigdigang krisis sa kalusugan.