Pinuri ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez si Senate President Juan Miguel Zubiri at kaniyang liderato sa napipintong pagtalakay ng Senado sa Resolution of Both Houses 0 RBH No. 6.
Para kay Romualdez, ang naturang hakbang ng Senado ay napakahalaga para sa pinakaasam na pag-amyenda sa mga economic provisions sa 1987 constitution para sa kapakanan ng bansa at mamamayang Pilipino.
Sa inihaing RBH 6 ni Zubiri ay nakapaloob ang pagreporma sa Article 12, 14, at 16 para luwagan ang foreign ownership sa public utilities, educational institutions at advertising industry.
Bunsod nito ay tiniyak ni Romualdez na ang Kamara ay katuwang ng Senado sa naturang misyon.
Binigyang diin ni Romualdez ang kahandaan ng Kamara na aksyunan at aprubahan ang matagal ng inaasam na mga pagbabagong ipapasok ng Senado sa ating Saligang Batas.