NAPOLCOM, magsasagawa ng sariling imbestigasyon sa sinasabing pagkakasangkot ng mga pulis sa pagkawala ng halos 100 umano’y mga sabungero

Ipinag-utos na ni Atty. Rafael Vicente R. Calinisan, Vice Chairperson at Executive Officer of the National Police Commission (NAPOLCOM) ang pagsasagawa ng motu propio investigation sa pagkawala ng sinasabing mahigit 100 sabungero.

Ang Inspection, Monitoring and Investigation Service (IMIS) ang inatasan ni Calinisan na magsagawa ng sariling imbestigasyon sa sinasabing pagkakasangkot ng ilang police officers sa pagkawala ng mga sabungero na hanggang sa ngayon ay hindi na nahahanap.

Tiniyak naman ni Calinisan na hindi nila sasantuhin at agad sisibakin ang mga opisyal ng Philippine National Police o PNP kapag napatunayang sangkot sa krimen.

Kung maaalala, inakusahan ang ilang police personnel na kasabwat sa pagpatay sa mga sabungero saka itinapon ang mga katawan sa Taal Lake, sa Batangas.

Hiniling din ni Atty. Calinisan ang mga complainant na maghain ng formal complaint sa NAPOLCOM para mapabilis ang paglalabas ng resolusyon sa kaso.

Ito ay sa pamamagitan ng koordinasyon ng NAPOLCOM sa Department of Justice (DOJ) at Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).

Facebook Comments