
May mga bago pang natuklasan ang National Police Commission (NAPOLCOM) patungkol sa vlogger na si Norman Mangusin.
Ayon kay Napolcom Commissioner Atty. Rafael Calinisan, batay sa PNP Civil Security Group, ang lahat ng siyam na “security escorts” ni Mangusin ay hindi lisensyadong security practitioners.
Ibig sabihin, ilegal ang trabaho nila para kay Mangusin.
Bukod dito, sinabi ni Calinisan na isang “Francis Leo Antonio Marcos” ay mayroong expired na Glock Pistol.
Napaso aniya ito noon pang September 2017, kaya maituturing na “loose firearm” at ang patuloy na pag-aari o pagtago nito ay krimen o unlawful possession of firearm.
Sinabi ni Calinisan na ipapadala nila ang mga nabanggit na impormasyon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), para makatulong sa kanilang imbestigasyon at mapanagot si Mangusin at kanyang mga kasabwat.










