
Kinumpirma ni National Police Commission (NAPOLCOM) Commissioner Raphael Calinisan na ilulunsad ang NAPOLCOM Task Force para sa imbestigasyon kaugnay ng umano’y hazing sa Philippine National Police Academy (PNPA).
Nabatid na may 3 kadete mula sa PNPA ang nasa kustodiya ngayon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) dahil sa umano’y panghi-hazing sa mahigit 20 underclassmen.
Kung saan ito ay nagresulta sa mga paso at pinsala sa katawan matapos pahirapan ang mga biktima ng pinaghalong drain cleaner at muriatic acid noong Biyernes Santo.
Ayon kay Calinisan, nagtitiwala ito sa liderato ng PNP at suportado nito ang gagawing imbestigasyon ng Pambansang Pulisya gayunpaman ay kinakailangan ng isang full-blown investigation para malaman kung mayroon pang ibang pangyayari na kailangang madiskubre.
Ayon pa sa kanya, sakop ng hurisdikyon ng NAPOLCOM ang nasabing akademya kung kaya’t hindi magdadalawang isip ang tanggapan na tanggalin ang mga responsable at hindi nito kukunsintihin ang mga ganitong uri ng aktibidad sa PNPA at kahit saang institusyon.










