
Hindi kumbinsido ang National Police Commission (NAPOLCOM) sa akusasyon ng driver ni actress Rhian Ramos na si alyas Totoy na sinaktan siya ng ilang tauhan ng Makati Police.
Sa kanyang pagtungo sa National Bureau of Investigation (NBI), sinabi ni NAPOLCOM Vice Chairperson and Executive Officer Rafael Vicente Calinisan na napanood niya and video footage na kuha sa Makati Police at wala siyang nakita na sinaktan ng mga pulis si alyas Totoy.
Ayon kay Calinisan, wala ring inihahaing reklamo sa NAPOLCOM si alyas Totoy laban sa mga pulis ng Makati.
Sa kabila nito, handa aniya silang mag-imbestiga oras na maghain sa kanila ng complaint si alyas Totoy.
Una nang inihayag ng NBI na makikipag-ugnayan ito sa NAPOLCOM para makuha ang pangalan ng mga pulis na sangkot sa sinasabing pananakit kay alyas Totoy.
Nagpapatuloy rin ang imbestigasyon ng NBI laban kina Ramos at beauty queen Michelle Dee na inakusahan ng pambubugbog at illegal detention sa driver ng aktres.










