Manila, Philippines – Ilang araw bago ang pagsalubong sa bagong taon, isang batang lalaki na ang nabiktima ng paputok.
Sa ulat na inilabas ng DOH, isang 12-anyos na lalaki mula sa Cabanatuan City ang kinailangang putulan ng daliri sa kaliwang kamay matapos laruin ang five star na isa sa mga ipinagbabawal na uri ng paputok.
Ito ang kauna-unahang fireworks-related injury na naitala ng DOH ngayong taon.
Dahil dito, muling nagpaalala si Health Sec. Francisco Duque III sa publiko lalo na sa mga magulang na huwag hayaan ang mga bata na maglaro ng anumang paputok.
Sa halip aniya, maging malikhain at gumamit ng mga alternatibong pampaingay sa pagdiriwang ng bagong taon.
Nito lang Disyembre a-bente uno nang simulan ng DOH ang kanilang taunang surveillance sa mga fireworks-related injury na tatagal hanggang January 5, 2019.