NAPUTUKAN | Bilang ng mga biktimang isinugod sa Ospital ng Maynila, kakaunti lamang

Manila, Philippines – Matumal ang mga pasyente na biktima ng mga paputok kung saan bigo ang mga doktor sa Ospital ng Maynila na magamit ang kanilang puspusang paghahanda sa pagpasok ng taong 2018.

Base sa pinakahuling tala kasi ng naturang Hospital, simula noong December 21 hanggang ngayong araw ay labing tatlong katao palang ang nadadala sa kanila na biktima ng paputok.

Walo rito ay simula kagabi hanggang kaninang umaga.


Ayon kay Dr. Patrick Jovan Gagno, ang Senior House Officer ng Ospital ng Maynila, hindi nila nagamit ang mga inihanda nilang surgery tools na tila baga ginagamit lang sa construction, gaya ng mallet, bone cutter, bone saw, bone holder, lowman forceps, wire cutter at hand drill.

Paliwanag ni Dr. Gagno pawang mga minor cases lang ang naisugod sa kanilang pagamutan at lahat ng mga pasyenteng nabiktima ng paputok ay pinauwi na sa kani-kanilang mga bahay.

Dagdag pa ni Gagno, sa tagal niyang nagsisilbi sa Ospital ng Maynila kapansin pansin talaga ang pagbaba ng bilang ng mga biktima ng paputok gayundin ang severity o kung gaano kalala ang tinamong pinsala ng biktima.

Giit pa nito kung pagbabasehan ang mga nakaraang taon, hindi hamak na mas masaya ang naging salubong kagabi sa 2018 dahil noon aniya ay may mga isinugod sa kanilang Ospital na binabawian pa ng buhay dahil lang sa paputok.

Facebook Comments