Naramdamang aftershocks sa magnitude 7.4 na lindol sa Hinatuan, Surigao del Sur, umabot na sa halos 1,700!

Umabot na sa 1,692 ang naitalang aftershocks simula ng tumama ang magnitude 7.4 na lindol sa Hinatuan, Surigao del Sur noong Sabado ng gabi.

Ito ay batay sa datos ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) simula kaninang alas otso ng umaga kung saan nasa pagitan ng 1.4 hanggang 6.6 magnitude ang lakas ng pagyanig.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni PHIVOLCS Director Teresito Bacolcol na posibleng tumagal pa hanggang sa susunod na linggo ang mga aftershock dahil na rin sa lakas ng lindol.


Kaya paalala ng opisyal sa mga residente, wag munang basta-basta pumasok sa kanilang bahay at ipakonsulta muna ito sa mga civil engineer lalo na yung mga nakitaan ng mga crack.

Una nang sinabi ni Bacolcol na Philippine Trench ang generator sa magnitude 7.4 sa Surigao del Sur at wala itong kaugnayan sa magnitude 6.8 na tumama sa Saranggani Province kamakailan.

Batay sa tala ng Office of Civil Defense, dalawa na ang napaulat na nasawi kabilang ang isang buntis na nabagsakan ng gumuhong pader sa kasagsagan ng pagtama ng magnitude 7.4 na lindol.

Mahigit limandaang pamilya o katumbas ng higit dalawang libong indibidwal naman ang naapektuhan ng malakas na lindol.

Facebook Comments