Manila, Philippines – Umpisa nang nararanasan sa malaking bahagi ng Western Section ng Luzon at Visayas ang mga pag-ulan na epekto ng Habagat habang patuloy na lumalapit sa Pilipinas ang Typhoon ‘Maria’ (International name).
Ayon kay DOST-PAGASA Weather Specialist Meno Mendoza, partikular na apektado ng pag-ulan ang Metro Manila, Bataan, Zambales, Batangas, Cavite, MIMAROPA at Western Visayas na posibleng magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Ang iba pa aniyang lugar sa Luzon bagaman maganda ang panahon ay asahan pa rin ang pagkakaroon ng localized thunderstorm, samantalang magiging maulap naman ang papawirin na may pag-ulan sa nalalabing bahagi ng bansa.
Batay sa pinakabagong datos ng Weather Bureau, huling namataan ang malakas na bagyo sa layong 1,875 kilometers Silangan ng Central Luzon at inaasahang papasok ito sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa araw ng bukas (July 9) saka tatawaging Bagyong ‘Gardo.’
Taglay nito ang lakas ng hangin na 185 kilometers per hour (KPH), pagbugsong 225 kph at kumikilos sa bilis na 15 KPH sa direksyong hilagang-kanluran.
Sinasabing ‘hindi na magla-landfall o tatama sa kalupaan ang bagyo subalit palalakasin naman nito ang Habagat na magpapaulan sa Luzon at Visayas Regions.
Hindi naman iniaalis ng DOST-PAGASA ang posibilidad na habang nasa karagatan ay lalo pang lumakas ang Typhoon ‘Maria’ sa kategoryang Super Typhoon.