Nilinaw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na walang halong pananabotahe ang nararanasang power outages sa gitna ng matinding init ng panahon.
Sa isang ambush interview, sinabi ng pangulo na nagkakaroon talaga ng problema sa suplay ng kuryente dahil sa sabay-sabay at sunod-sunod na pagbagsak ng mga planta.
Lumabas aniya sa pag-aaral na hindi lamang kinaya ng mga planta ang mabigat na power load kasabay ng technical problems tulad ng piyesa na kailangan nang palitan.
Gayunpaman, sinabi ng pangulo na dahan-dahan nang bumabalik ang power supply sa kabila ng mga idineklarang red at yellow alert, at unti-unti na ring inaayos ang mga nag-trip na power plant at substations.
Naniniwala naman ang pangulo na isang pangmatagalang solusyon sa enerhiya ang pagkakabit ng submarine cables bukod sa mga solar power, partikular sa Occidental at Oriental Mindoro, na magbibigay-daan upang mai-transmit o mailipat ang labis na kuryente sa mga mangangailangang lugar.