
Dumistansiya ang Malacañang sa panukalang bawian ng pensyon ang mga retiradong heneral at opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na umano’y nagpapakalat ng fake news laban sa gobyerno.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, nasa AFP ang responsibilidad na pag-aralan ang isyu at mas mainam na hayaan munang silang magsagawa ng imbestigasyon.
Gayunpaman, sinabi ni Castro na kung may mga retiradong opisyal na lumabag sa batas, nararapat lamang silang managot pero ang anumang parusa ay nakadepende pa rin sa magiging desisyon ng korte.
Una nang nilinaw ng AFP na walang napipintong pagbabawas sa pensyon ng mga retiradong sundalo at pinayuhan ang publiko na huwag magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon.
Kinondena rin ng AFP ang pekeng balita na nagbanta umano si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na tanggalan ng pension ang mga retired officer dahil sa kanilang seditious statements.









