
Kasabay ng selebrasyon ng National Teachers’ Day ay isinulong ni Quezon City 5th District Rep. PM Vargas na matugunan ang kakulangan ng mga guro sa bansa.
Tinukoy ni Vargas ang datos na mula 2022 hanggang 2023 ay nabawasan ng 38,000 ang mga guro, at iba pang non-teaching staff sa bansa.
Binanggit din ni Vargas na base sa report ng Department of Education, ngayong school year ay umaabot sa 150,000 na teaching positions ang hindi pa rin napupunan.
Bilang solusyon ay dalawang panukalang batas ang inihain ni Vargas.
Una ang Distant Public School Teachers Incentive Bill na layuning magkaloob ng buwanang allowance sa mga guro na nakatalaga sa mga malalayong lugar.
Ikalawang inihain ni Vargas ang Plantilla Positions for Volunteer Teachers Bill na lilikha ng permanenteng Plantilla position para sa mga volunteer teachers na limang taon ng nagtuturo.









