Cauayan City, Isabela- Kinilala na ng mismong pamilya ang bangkay ng isang ‘aeta’ na miyembro ng New people’s Army (NPA) na narekober ng mga otoridad matapos ang nangyaring sagupaan sa bayan ng San Guillermo, Isabela.
Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PLtCol Virgilio Abellera, Force Commander ng 2nd Isabela Provincial Mobile Force Company (2ndIPMFC), nakilala ang bangkay na si Nonoy Salvador, 18 anyos at taga Brgy. Disimungal, Nagtipunan, Quirino.
Ayon sa kumilalang pamilya ni Nonoy, taong 2017 pa nang huli nila itong makita at makasama at nakilala nila ito dahil sa kanyang palatandaan sa paa.
Dagdag pa ni P/LtCol Abellera, nagtungo ang pamilya ni Nonoy sa PNP San Guillermo nang mapag-alaman na may narekober na bangkay ng ‘aeta’ na ipinapanawagan sa publiko.
Si Salvador ay inilibing na noong Oktubre 27, 2019 sa public cemetery sa Brgy. Centro Uno, San Guillermo, Isabela kung saan ay nilagyan na lamang ng palatandaan ng pamilya nito.