Dadalhin sa Amerika ang blackbox o flight data recorder na narekober sa bumagsak na C-130 plane sa Sulu.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Cirilito Sobejana, walang kakayahan ang mga imbestigador ng AFP na buksan at tingnan kung ano nilalaman ng blackbox kaya minabuti nilang ipasuri ito sa Amerika.
Aniya, nakausap na nila ang kanilang counterpart at nag-commit na oras na matanggap ay bubuksan kaagad nila ang blackbox para basahin ang nilalaman at ipadadala rin agad pabalik ang resulta para makatulong nang malaki sa imbestigasyon.
Ang laman ng blackbox ang naging usapan ng mga piloto bago naganap ang trahedya.
Una nang iginiit ng AFP na walang foul play sa pagbagsak ng C-130 at ang kanilang inisyal na tinitingnan sa nangyaring pagbagsak ay dahil sa lagay ng panahon at human error.