NAREKOBER | Nakabaon na bigas na kinikil ng NPA sa mga magsasaka, nadiskubre sa Bukidnon

Bukidnon – Narekober ng Special Forces Battalion ng 403 Infantry Brigade ng Phil Army ang nakabaon na sako sakong bigas ng NPA sa Sitio Mahusay, Brgy. Dominorog, Talakag, Bukidnon kamakalawa.

Sinabi ni Captain Norman Tagros, tagapagsalita ng 403 Infantry Brigade, ang labing limang sakong bigas na nakasilid sa 45 plastic containers ay mula sa pangingikil ng NPA sa mga mahihirap na magsasaka sa lugar.

Aniya nagsagawa ng operasyon ang militar matapos na magreklamo ang mga magsasaka na pinipilit sila ng NPA na magdala ng bigas at supplies sa bundok, na ipinababaon sa kanila sa lupa sa mga plastic containers.


Bukod dito aniya, inireklamo din ng mga magsasaka ang panggugulo ang NPA na kinondena naman ni 403rd Infantry Brigade Commander, Brigadier Gen. Eric C Vinoya, ang pagnanakaw ng pagkain ng NPA mula sa mga halos wala na ngang makain na magsasaka.

Hinikayat naman ni Brig Gen. Vinoya ang mga komunidad sa lugar na patuloy na makipagtulungan sa militar upang matigil na ang pang-aapi ng NPA sa mga walang kalaban-laban na sibilyan.

Facebook Comments