Nagsisimula ng magkaubusan ng ticket ngayong araw sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) partikular na ang mga biyaheng Bicol.
Tuloy-tuloy na rin kasi na nagdadatingan ang mga ba-biyahe pauwi sa kani-kanilang probinsya ngayong nalalapit na ang araw mismo ng Pasko.
Ayon kay PITX Corporate Affairs Officer Kolyn Calbasa, fully booked na ang mga biyahe ngayon sa Bicol simula December 21 hanggang December 24 dahil maaga pa lang kasi ay nagpa-reserve na ang mga biyaherong uuwi ngayon sa kani-kanilang lugar.
Aniya, kahit naman fully booked na ang ilang mga biyahe, hindi naman mauubusan ng mga bus lalo pa’t marami-rami rin ang nakapag-request ng special permit para makabiyahe.
Sa ngayon, umabot na sa 50,000 ngayong alas-12:00 ng tanghali ang mga pasahero at inaasahang papalo pa sa 130,000 sa buong araw.
Samantala, tiniyak naman ng pamunuan ng PITX na nakaantabay pa rin sila sa mga pangangailangan ng pasahero upang matiyak na komportable at ligtas ang kanilang biyahe lalo na ngayong uwian.