Nasa 15 COVID-19 patients sa isang quarantine facility sa Pasig City, nakarekober na

Pina-uwi na ang 15 pasyente ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) na nanatili sa Rizal High School bilang Centralized Quarantine Facility sa Lungsod ng Pasig.

Kahapon, ang nasabing bilang na tinawag nilang bagong “Graduate” ay binigyan ng food packs ng lokal na pamahalaan bago umuwi ng kani-kanilang bahay.

Namigay rin ng cake si Mayor Vico Sotto bilang pagdiriwang ng Fathers’ Day ngayong araw, Hunyo 21.


Nagpa-abot naman ito ng pagbati sa mga tatay na naka-quarantine sa nasabing pasilidad.

Payo niya sa lalabas na 15 recoveries, manatili muna sa loob ng bahay at huwag magtungo kung saan-saan para matiyak na sila ay manatiling ligtas laban sa banta ng virus.

Sa ngayon, meron pang natitirang 20 patients na nagpapagaling sa naturang quarantine facility ng lungsod.

Habang sa kabuuan, meron nang 730 confirmed cases ng COVID-19 sa Pasig City kung saan 79 sa kanila ay nasawi at 429 naman ang mga nakarekober na mula sa sakit na dulot ng virus.

Facebook Comments