Humigit kumulang 20 pang ahensya ng gobyerno at mga tanggapan ang hindi na naisalang sa budget deliberation sa plenaryo ng Kamara matapos na i-terminate at aprubahan kahapon ang 2021 General Appropriations Bill (GAB).
Kabilang sa mga malalaking ahensya na hindi na naisalang sa plenaryo ang mga sumusunod:
1.) Department of Environment and Natural Resources
2.) Department of Foreign Affairs
3.) Department of Social Welfare and Development
4.) Department of Public Works and Highways
5.) Department of Transportation
6.) Department of Agrarian Reform
7.) Department of Education
8.) Department of Information and Communications Technology
9.) Department of Health
10.) Commission on Elections
11.) Department of the Interior and Local Government
Ayon kay Deputy Minority Leader Carlos Zarate, nasasakripisyo ang pagbusisi sa mga mahahalagang budget sa 2021 dahil lamang sa agawan sa posisyon nila Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.
Naniniwala si Zarate na sa huli ay walang makikinabang sa mga pangyayaring ito kundi ang Malacañang upang maisulong ang mga nakalagay sa pambansang pondo.
Sinabi naman ni Kabataan Partylist Rep. Sarah Elago na naisantabi ng isyu sa Speakership ang pangangailangan ng publiko na humaharap ngayon sa health at economic crisis.
Giit naman ni ACT-Teachers Partylist Rep. France Castro, ninakawan ng Kamara ng pagkakataon ang taumbayan na makapagtanong at ipaprayoridad sa mga ahensya ng pamahalaan ang pangangailangan sa edukasyon, kalusugan at pagtugon sa pandemya.
Dahil dito, umaapela naman si Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite na pabuksan muli ang deliberasyon ng plenaryo sa budget at patunayan na sila pa rin ay maituturing na “Congress of the People”.