Nasa sa 2, 000 piraso ng buhay na baboy ang dumating sa Pier 18 sa Lungsod ng Maynila.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), galing ang mga buhay na baboy mula sa Banga, South Cotabato kung saan dadalhin ang mga ito sa Quezon City para doon katayin.
Matapos makatay, agad itong ipapakalat sa mga palengke sa Metro Manila.
Ayon kay Agriculture Assistant Secretary Arnel De Mesa, 50 percent lamang ito sa arawang pangangailangan sa Metro Manila na sa kanilang pag-aaral ay umaabot ng 4, 000 baboy kada araw.
Kasama ni De Mesa si Agriculture Secretary William Dar na sumalubong sa mga baboy na sinasabing nanggaling sa Biotech Farms.
Sinabi pa ni De Mesa na sa ngayon ay binabalanse nila ang pinagkukunan ng baboy para masiguro na magiging sapat ang pangangailangan sa Metro Manila.
Dagdag pa ni Asec. De Mesa na 50 percent ng pangangailangan ng baboy sa Metro Manila ay nagmumula sa Calabarzon habang ngayon pa lamang dumarating ang galing sa Mindanao.
Samantala, pinalagan ni Secretary Dar ang pahayag ng ilang mga retailer na wala silang makuhang murang karne ng baboy.
Giit ni Dar, masyadong negatibo ang naturang impormasyon lalo na’t nasa P235 kada kilo na ang presyo ng mga karne ng baboy sa mga palengke.
Kaya’t dahil dito, pinayuhan ng kalihim ang mga consumers na bumili na lamang sa mga supermarket ng karne kung wala silang makitang mura sa mga palengke.