Umaabot na sa halos 4,000 ang sumalang sa COVID-19 drive-thru testing center sa may bahagi ng Quirino Grandstand at sa tapat ng Andres Bonifacio Shrine na katabi lamang ng Manila City Hall.
Sa isang panayam kay Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso, sa nasabing bilang ng nasuri mula ng inilunsad ito, nasa 667 ang nag-postibo sa pagsusuri.
Ang ilan sa mga nagpositibo na mga residente ng Maynila ay isasalang sa swab test kung saan ilalagay rin sila sa ilang quarantine facilities sa lungsod.
Dagdag pa ni Mayor Isko, mayroong 12 quarantine facilities ang lokal na pamahalaan ng Maynila at nasa 545 ang kabuuang bilang ng bed capacity nito.
Sinabi pa ng alkalde na nasa 1,000 mga residente at hindi residente ng Maynila ang sumalang sa mga walk-in COVID-19 testing centers sa Ospital ng Sampaloc at sa bagong bukas na Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center.
Sa ngayon, inihayag ni Mayor Isko na ang nagagastos nila sa mga test, miscellaneous at mga reagent o mga ginagamit para lagyan ng blood samples ay nasa higit tatlong milyung piso na kung kaya’t una itong umaapela ng donasyon para mas lalo pa nilang mapalawig ang pagsasagawa ng pagsusuri.