Nasa 500-PDLs, nakatakdang palayain sa mga piitan sa buong bansa sa Hunyo 27 – BuCor

Nakatakdang palayain ng Bureau of Corrections (BuCor) ang nasa 500 kwalipikadong Persons Deprived of Liberty (PDLs) mula sa kanilang detention facilities sa buong bansa sa Hunyo 27.

Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr., ang naturang bilang ay maaaring tumaas ng hanggang 700 PDLs ang nakatakdang palayain sa oras na maisapinal na ang diskusyon ukol dito kasama ang Office of the President.

Saad pa ng opisyal na kabilang sa mga posibleng magawaran ng executive clemency ay ang mga matatandang PDLs at mayroong mga sakit.


Ang executive clemency ay tumutukoy sa suspensiyon ng sentensiya ng pagkakakulong ng PDLs, absolute pardon, conditional pardon meron man o walang kondisyon at commutation ng sentensiya na tanging ang pangulo lamang ang may kapangyarihang maggawad.

Samantala, nakatakdang ipatupad ngayong linggo ng BuCor ang Oplan Bilis Laya na naglalayong pabilisin ang pagproseso ng pagpapalaya ng mga preso na naisilbi na ang kanilang mga sentensiya, ang mga nagawaran ng parole at ang mga naabswelto na sa kanilang criminal charges.

Facebook Comments