Nasa 600 OFWs sa Shanghai, China na naiipit ngayon bunsod ng lockdown, bibigyan ng ayuda ng pamahalaan

Nakapag-transfer na ng pondo ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa Philippine Consulate General sa China upang mabigyan ng assistance ang ating Overseas Filipino Workers (OFWs) na naiipit ngayon ng lockdown sa Shanghai bunsod nang patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac na magkakaloob ang pamahalaan ng $200 food assistance sa mga apektadong OFW.

Maliban dito, karagdagang $200 din ang ibibigay na financial assistance para naman sa mga tinamaan ng COVID-19 at magkakaroon din aniya ng mental wellness webinar nang sa ganon ay mapangalagaan ang mental health ng ating mga kababayan sa Shanghai na naiipit ngayon sa lockdown.


Sa pagtaya ni Cacdac, nasa 500 hanggang 600 OFWs na dumulog sa ating konsulada ang makikinabang sa naturang assistance.

Kabuuang ₱7 million ang pondong inilaan dito ng pamahalaan kung saan naitransfer na ang paunang ₱2.5 million na susundan naman ng isa pang ₱2.5 million hanggang sa makumpleto ang ₱7 million.

Facebook Comments