
Kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson PBGen. Randulf Tuaño na ni-relieve na sa pwesto ang buong myembro ng Regional Mobile Force Battalion 14-B matapos mag-viral ang isang video at larawan sa social media ng pagmamaltrato sa isinagawang reception rights sa Lamitan City, Basilan.
Ayon kay Tuaño nasa 70 na mga pulis ang ni-relieve sa pwesto kasama na rito ang 12 non-commissioned officers na direktang sangkot sa pagmamaltrato sa mga bagong pulis na kakagraduate lamang mula sa isang pagsasanay.
Humalili naman sa mga inalis na personnel ang mga pulis mula sa RMFB 14-A at sa ngayon patuloy ang isinasagawang imbestigasyon kung meron pang involve sa nasabing insidente.
Sakaling mapatunayan ay nahaharap sa kasong kriminal at administratibo ang mga sangkot na pulis.
Sa kabuuan 18 ang naging complainant sa nasabing pagmamaltrato at inaasahang madadagdagan pa ito ng 110 pang iba pa.










