SAN FERNANDO CITY, LA UNION – Umabot na sa higit isang libong Overseas Filipino Workers (OFWs) ang nakauwi na sa kani-kanilang tirahan sa iba’t ibang panig ng rehiyon uno matapos ang kanilang matagumpay na self-quarantine. Ito ay alinsunod na rin sa itinakdang patakaran ng IATF-EID bilang requirements ng mga magbabalik probinsiya at upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Ayon sa Overseas Welfare Workers Administration (OWWA) Region 1, nasa 1,038 ang bilang ng OFWs na tinulungan nilang makabalik sa region 1 at maging sa ibang mga kalapit na rehiyon. Mula Maynila sila ay ibinaba sa drop-off point ng probinsiya sa TPLEX – Urdaneta City Exit point, kung saan naman ay sinundo sila ng mga nakahandang shuttle buses upang ihatid sa kani-kanilang destinasyon.
Katuwang ng iba’t ibang provincial government ang mga ahensiya ng national government tulad ng Department of Interior and Local Government (DILG) at iba pang kasapi sa IATF-EID na inatasan ng pangulong manguna sa pagpapatupad ng lahat ng may kinalaman sa COVID-19. Pag-lilinaw ng mga otoridad na nasa kamay pa rin ng mga alkalde kung isasailalim pa rin nila sa panibagong quarantine ang mga kababayan nilang darating sa kanilang bayan.
Inaasahan umano na tataas pa ang bilang ng mga OFWs na uuwi dito sa rehiyon sa pagtatapos ng Hunyo ngayong taon.