Aabot sa higit 3,000 pamilya ang nakinabangan sa isinagawang pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development-National Capital Region (DSWD-NCR).
Katuwang ng DSWD-NCR si Senator Francis Tolentino sa pamamahagi ng financial assistance sa mga residente sa tatlong barangay sa Maynila.
Ilan sa kanila ay mga biktima ng sunog, mga nawalan ng tirahan matapos gumuho ang bahay, mga bed-ridden, educational, medical, funeral, at iba pang serbisyo.
Ang mga residente ay mula sa Barangay 775, Barangay 20, at Barangay 105 na kulang ang suporta at tulong na natanggap kung kaya’t nararanasan pa rin ang hirap ng buhay.
Umaasa at naniniwala ang DSWD, gayundin si Sen. Tolentino na sa pamamagitan ng mga hakbang na ito ng pamahalaan ay masisimulan ng mahihirap na pamilyang Pilipino na maibangon ang antas ng kanilang pamumuhay.
Paraan din daw ito para maramdaman ng bawat pamilyang Pilipino na handang umalalay ang gobyerno at may mga programa na ipinatutupad para sa kanilang kapakanan.