Nasa likod ng deep fake AI video ni PBBM, dapat hanapin at papanagutin

Hiniling ni House Majority Leader at Zamboanga 2nd District Representative Manuel Jose Dalipe sa Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) na hanapin at papanagutin ang nasa likod ng kontrobersyal na pekeng video ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Para kay Dalipe, sobrang foul at hindi katanggap-tanggap ang nabanggit na deep fake AI video na layuning palabasin na gumagamit ng iligal na droga si Pangulong Marcos.

Giit ni Dalipe, hindi dapat palampasin ang ganitong maling paggamit sa teknolohiya para sa pamumulitika.


Ayon kay Dalipe, ang pag-atake sa pagkatao ng pangulo ay maituturing na pag-atake rin sa buong bansa.

Sabi ni Dalipe, malinaw na ito ay paraan ng pagdestabilisa sa gobyerno, pagpapabagsak sa integridad ng demokrasya, pagpapahina sa tiwala ng publiko at banta sa pambansang pagkakaisa.

Kaugnay nito ay binigyang-diin ni Dalipe ang kahalagahan na maituro sa publiko ang panganib ng deep fake technology.

Facebook Comments