Ayon kay Senator Christopher “Bong” Go, nakarating na kay Pangulong Rodrigo Duterte ang balita ukol sa nag-viral na learning modules na may halong kabastusan ang nilalaman.
Nais umano ng Pangulo na ipahuli at panagutin ang gumawa sa naturang modules.
Diin ni Go, hindi ito dapat palampasin dahil hindi dapat ginagawang katawa-tawa o bastos ang laman ng mga materyales na gagamitin para matuto ang mga bata.
Binigyang diin ni Go na hirap na nga ang mga estudyante na maipagpatuloy ang pag-aaral ngayon tapos hahaluan pa ng kalokohan ang mga ituturo sa kanila.
Kaugnay nito ay pinapatiyak ng opisyal sa Department of Education (DepEd) at iba pang kinauukulang ahensya ang kalidad ng blended learning at iwasan ang mga provocative content sa mga learning modules.
Dagdag pa ni Go, limitado ang pagkakataon ng mga guro na magabayan ang mga mag-aaral dahil walang face-to-face learning at hindi lahat ay may access sa internet kaya dapat masiguro ang kalidad ng mga learning materials.