Manila, Philippines – Kasunod ng naging desisyon ng Korte Suprema na nagbabasura sa kontrobersyal na sweetheart deals ng Meralco, isusulong ng grupong Bayan Muna na mapanagot ang mga oligarchs na nasa likod nito.
Pinasasama din ng grupo sa dapat kasuhan ang mga government officials na nag-apruba sa naturang kasunduan.
Sa desisyon na inilabas ni Senior Associate Justice Antonio Carpio, nakasaad dito ang ginawang pagmamalabis ng ERC sa pagpapahitulot sa Meralco na pumasok sa kasunduan sa iba pang mga power utility distribution na hindi dumaan sa Competitive Selection Process na dapat na siyang pamantayan ng ahensya para magkaroon ng bidding at titiyak upang ang pinakamababang presyo ang magiging singil sa kuryente para sa mga consumers.
Ayon kay Bayan Muna Representative Carlos Zarate, ang desisyon ng Supreme Court (SC) ay tumutugma rin sa lumabas sa report ng joint committee ng House of Representatives na nagsasabi na pinaglaruan ng ERC at Meralco ang Competitive Selection Process.
Matatandaan na pinaimbestigahan ng Bayan Muna ang ERC at Meralco kaugnay ng midnight sweetheart deals.
Lumabas sa pagdinig na binaluktot ng ERC ang kanilang panuntunan upang mapabigyan ang Meralco.
Napag-alaman na tinatayang nasa mahigit na 90 PSA application ang tinanggap ng ERC na lumabag sa CSP’s bidding.