Nasa P4 bilyon halaga ng vape products, nadiskubre ng BOC

Umaabot sa kabuuang P4 bilyon pesos na halaga ng mga vape product at e-cigarette ang nadiskubre ng Bureau of Customs (BOC) sa tatlong warehouse na kanilang sinalakay.

Partikular sa mga warehouse sa Quezon City at Malabon kabilang na rin sa Parañaque City na naunang sinalakay na mayroong P1.5 bilyon halaga ng mga naturang kontrabando.

Ayon kay Alvin Enciso, Hepe ng Customs Intelligence and Investigation Service of Manila International Container Port, nakatanggap sila ng report na may mga naipuslit na mga vape product at e-cigatette na hindi dumaan sa tamang proseso at walang kaukulang dokumento.


Aniya, isinailalim nila sa tatlong linggong surveillance ang mga warehouses kung saan napag-alaman na galing pa ang mga puslit mga produkto sa bansang China.

Paliwanag pa ni Enciso, karaniwang isinasama ng paunti-unti sa lehitimong mga produkto o freely imported goods ang mga napuslit na items para hindi ito halata sa oras na maipasok sa bansa.

Kaugnay nito, binabantayan na rin ng BOC ang ilang mga pantalan na posibleng daraanan o babagsakan ng mga puslit na produkto na iligal na ipinapasok sa Pilipinas.

Patuloy naman amg imbestigasyon para malaman kung sino ang mga may-ari ng bodega at mga kasabwat nito.

Facebook Comments