Isinampa na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kasong paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002 at Illegal Possession of Firearms laban sa isang kapitan ng barko, tripulante at isang police colonel na nasakote habang sakay ng LCT Valentino Dos noong Setyembre 6 sa karagatang sakop ng Rosario, Cavite.
Ayon kay Philippine Coast Guard Spokesman Armand Balilo, nahuli ang mga suspek sa isinagawang maritime patrol ng Coast Guard Station Cavite sa Multi-Role Response Vessel-4406 (BRP Suluan), na dito napuna ang Automatic Identification System (AIS) LCT “Valentino Dos”, Cargo Vessel mula sa Tayud, Cebu patungong Baseco Anchorage Manila ay sarado kaya hinalughog ng boarding team ng MRRV kasama ang Coast Guard K9 NCR-CL at Coast Guard Anti-Terrorist Unit.
Dito natuklasan na hindi kasama sa manifesto ang isang pasahero na si Police Superintendent Jose Matnao Liddawa Jr.
Nakarekober ang mga gamit sa paghithit ng shabu sa cabin ng crew na sina Ramil Archin, Chief Mate, Erbert John De Juan, second mate; at Noel Keith Bernabat, working mate; isang caliber 40 Jericho pistol at 5 basyo ng kalibre 45 dalawang empty magazines ng M16 Rifle sa loob ng cabin ni Police Superintendent Liddawa Jr.
Mayroon ding dalawang hindi rehistradong armas sina Ship Master Emmanuel Vicedo at Police Superintendent Liddawa Jr.