Naniniwala is PNP Chief Police Director Oscar Albayalde na hindi para sa lokal na merkado ang bloke-bloke ng cocaine na narekober ng mga mangingisda at mga awtoridad sa Dinagat, Siargao Island at Paracale, Camarines kamakailan.
Ayon sa PNP Chief maaring patungo sa Western countries ang droga at pansamantala lang tumatagal sa Pilipinas bago ibyahe patungo sa pinal na destinasyon nito.
Paliwanag ni Albayalde, hindi ganun ka-popular ang cocaine sa Pilipinas at ibang Asian countries, dahil medyo mahal ang presyo nito na nasa 250 euro kada gramo.
May mga kaso na aniya sa mga nakalipas na taon kung saan na rekober ng PNP ang drogang ibinabagsak sa karagatan ng malalaking barko at ni-rerekober sa pamamagitan ng nakakabit na GPS ng mga maliliit na bangka.
Hindi pa naman aniya natutukoy sa ngayon kung sa China nanggaling ang droga.
Matatandaan nang nakaraang taon, tinatayang 125 milyong pisong halaga ng cocaine ang narekober sa dalampasigan ng Matnog, Sorsogon.
Tinatayang aabot sa kalahating bilyong piso naman ang halaga ng narekober na kabuuang 90 bloke ng cocaine nitong mga nakalipas na araw.