Simula noong 2018 ay pito pa lamang ang nasasampahan ng kaso kaugnay sa paglabag sa Ease of Doing Business Law.
Sinabi ito ni Anti-Red Tape Authority o ARTA Director General Atty. Jeremiah Belgica sa kanyang pagharap sa budget hearing ng Senado.
Ayon kay Belgica, hanggang nitong August 31, 2020 ay umabot sa halos 4,000 ang reklamong kanilang natanggap laban sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Karamihan dito ay hindi pag-attend sa kanila kahit office hours, hindi pagproseso ng mga dokumento sa takdang oras, dagdag pang mga requirements at pakikipagsabwatan sa fixers ng ilang empleyado ng pamahalaan.
Ayon kay Belgica, ang mga ahensya na may pinakamaraming reklamo ay kinabibilangan ng Bureau of Internal Revenue (BIR), Local Government Units (LGUs), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Food and Drug Administration (FDA), Land Registration Authority (LRA) at Pag-IBIG.
Paliwanag ni Belgica, konti pa lang ang kanilang nakasuhan dahil karamihan sa mga inirereklamo ay tumutugon naman, konti lang din ang kanilang tauhan at ngayong may pandemya ay nahinto rin ang paghahain nila ng kaso.
Aminado rin si Belgica na kulang sa ngipin ang kanilang opisina kaya hiling nila na maamyendahan ang batas para magkaroon sila ng formal investigation power kung saan makakapag-isyu sila ng subpoena at makakapagpataw ng preventive suspension at contempt.