Nasawi sa ammonia leak incident sa planta ng yelo sa Navotas City, nadagdagan pa!

Umabot na sa dalawa ang bilang ng nasawi sa ammonia leak incident sa isang planta ng yelo sa Navotas City.

Ito ay matapos na matagpuan kaninang umaga ang bangkay ng 52-anyos na electrician na si Joselino Hasareno.

Sa impormasyon mula kay Navotas City Disaster Risk Reduction And Management Office (CDRRMO) Head Vonne Villanueva, natagpuan ang katawan ni Hasareno 20 metro mula sa impact site ng TP Marcelo Ice Plant.


Aniya, hindi agad ito napansin ng mga rescuer dahil nakatutok ang paghahanap sa sentro ng insidente.

Samantala, sa interview ng RMN Manila, tiniyak ni Navotas City Mayor Toby Tiangco na makakarating sa mga biktima ang tulong mula sa pribadong kompanya.

Kasabay nito, nilinaw ng alkalde na hindi niya maaaring gamitin ang pondo ng lokal na pamahalaan para ayudahan ang mga biktima dahil nagkataong kamag-anak niya ang may-ari ng planta.

“Hindi po pupwedeng sagutin ‘to ng LGU kasi sensitive poi tong sitwasyon. Siguro kung ibang tax payer ‘yun na hindi ko naman kamag-anak, pwedeng sagutin ng LGU. Pero ito, e kamag-anak ko, they cannot benefit directly or indirectly. So kahit yung magagastos sa Navotas City Hospital na dapat malilibre, sabi ko, kompyutin na para sisingilin ko yung kompanya,” paliwanag ng alkalde.

Mahigit 70 sa mga isinugod sa ospital kahapon ang nakauwi na habang 20 pa ang nananatili sa Philippine General Hospital (PGH).

Kahapon din nang pansamantalang ipasara ng alkalde ang cold storage facility.

Sa ngayon, wala pang inilalabas na pahayag ang pamunuan ng planta.

Samantala, kahapon din nang magkaroon ng ammonia leak sa isang ice plant sa Barangay Bagbag, Lian, Batangas.

Ayon kay DENR-EMB Batangas Head Luisa Garcia, aksidenteng nag-leak ang kemikal mula sa isang drum.

Facebook Comments