Nakikiramay si Phillipine National Police (PNP) Chief PGen. Guillermo Eleazar sa pamilya ng ika-124 na tauhan ng PNP na nasawi dahil sa COVID-19.
Ang huling nasawi ay isang 35 taong gulang na pulis naka-talaga sa Western Mindanao na namatay dahil sa COVID-19 nitong October 17, pero nitong weekend lang iniulat at kinumpirma ng PNP Health Service.
Base sa kanyang medical record, nakaranas ang biktima ng “mild symptoms” noong Oktubre 3, na sinikap niyang gamutin sa pamamagitan lang ng tradisyunal na panlunas.
Matapos ang unang pagtanggi nito na magpatingin sa doktor kahit pa pinayuhan na ng kanyang hepe, ipinasok ito sa ospital noong Oktubre 14, kung saan nagpositibo ito sa rapid antigen test.
Nitong Oktubre 17 ng gabi ay idineklara ng kanyang doktor ang pagkamatay ng biktima dahil sa “respiratory failure secondary to COVID-19”.
Payo naman ni Eleazar sa mga tauhan nilang makakaranas ng sintomas ng COVID-19 na agad magpatingin sa doktor para sa kanilang sariling kaligtasan at maging ng kanilang pamilya.