Nasawi sa nangyaring “misencounter” sa pagitan ng PNP at PDEA kahapon sa Quezon City, umakyat na sa tatlo.

Umakyat na sa tatlo ang namatay sa nangyaring “misencounter” sa pagitan ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) at ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Commonwealth Avenue, Quezon City kahapon ng hapon.

Ito matapos na marekober ang isa pang bangkay na mula sa operatiba ng PDEA.

Nauna nang naiulat na dalawang pulis ang nasawi sa nasabing buy bust operation ng dalawang panig na nauwi sa engkwentro.


Samantala, inatasan na rin ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon sa engkwentro.

Paglilinaw ni Guevarra, ang pag-iimbestiga ng NBI ay hiwalay sa pag-iimbestiga ng ad hoc joint PNP – PDEA Board of Inquiry.

Una nang nagkasundo ang PNP at PDEA na bumuo ng joint Board of Inquiry para imbestigahan ang pangyayari na nagresulta sa pagkakasugat ng tatlong pulis, dalawang PDEA agents at isang sibilyan.

Batay sa ulat ng QCPD – Batasan Police Station, nagsagawa ng anti-drug operation ang QCPD-Special Operations Unit sa lugar at una silang pinaputukan ng mga ahente ng PDEA.

Pero sinabi ni PDEA Spokesperson Dir. Derick Carreon na may operasyon din sa lugar ang mga tauhan ng kanilang Special Enforcement Service.

Nakatakdang magsagawa ng presscon ang PDEA kasama ang PNP mamayang alas-3 ng hapon ukol sa insidente sa Camp Crame.

Facebook Comments