Nasawi sa pambobomba sa gitna ng misa sa Marawi City, umakyat pa sa 11

Umakyat pa sa 11 ang nasawi sa pambobomba sa Dimaporo Gymnasium sa Mindanao State University sa Marawi City linggo ng umaga.

Ayon sa ulat, nangyari ito pasado alas-7:30 ng umaga habang nagdaraos ng misa na dinaluhan ng mga estudyante at mga guro.

Sa mahigit 40 na biktimang isinugod sa emergency room ng Amai Pakpak Medical Center, 11 ang binawian ng buhay habang 6 ang sumailalim sa operasyon.


Nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente.

Samantala, mariing kinondena ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang pag-atake kasabay ng pagtiyak na mabibigyan ng hustisya ang mga biktima.

Sa isang pahayag, sinabi ng Pangulo na itinuturing na kalaban ng lipunan ang mga taong nasa likod ng mga karahasan lalo na sa mga inosenteng buhay.

Sinisilip na ngayon ng Bangsamoro Police Regional Office kung posibleng may koneksyon ito sa pagkamatay ng 11 miyembro ng Dawlah Islamiyah.

Ayon kay Bangsamoro regional director Police Brigadier General Allan Nobleza, patuloy na kumakalap ng ebidensya ang pulisya para matukoy ang nasa likod ng pag-atake.

Sa ngayon, suspendido muna ang lahat ng klase sa Mindanao State University habang nagdagdag na rin ng seguridad sa loob ng campus.

Facebook Comments