Nasawing tauhan ng PNP dahil sa COVID-19, umabot na sa 98

Nadagdagan pa ng dalawa ang namatay na pulis dahil sa COVID-19 kaya’t umabot na sa kabuuang 98 na tauhan ng Philippine National Police (PNP) ang nasawi ayon sa ulat ni PNP Chief General Guillermo Eleazar.

Aniya, ang PNP patient no. 97 ay isang 52-anyos na intelligence operative na naka-assign sa Metro Manila.

Isinugod siya sa ospital noong Agosto 14 pero ideneklarang nang dead on arrival.


Agad siyang isinailalim sa post-mortem examination at swab test kung saan ay nagpositibo siya sa COVID-19 at siya ay fully vaccinated na noong July 14, 2021.

Samantala, si patient no. 98 ay isang 31-anyos na babaeng imbestigador na naka-assign sa General Santos City na nagpositibo rin sa COVID-19 noong August 13.

Ngunit bago pa siya nagpositibo dito, nitong August 5 ay isinugod sya sa ospital dahil sa hirap sa paghinga. Nalamang siya ay buntis kaya noong August 10 ay isinailalim sya sa emergency cesarean section (EmCS) operation at naging matagumpay naman ito.

Lalo namang lumalala ang kanyang karamdaman nitong August 13 kaya’y isinugod na siya sa ospital at nasawi dahil sa acute respiratory failure.

Nagpaabot naman si PNP Chief ng pakikiramay sa pamilya ng mga nasawing pulis.

Samantala, batay sa record ng PNP health service, may panibagong 140 na kaso ng COVID-19 ngayong araw kaya umabot na sa 32,760 ang COVID-19 cases sa PNP, 1,983 dito ay active cases.

May bagong 139 naman na gumaling kaya’t may 30,679 total recoveries na sa PNP.

Facebook Comments