Manila, Philippines – Walang plano ang Malacañang na sampahan ng kaso ang China dahil sa mga nasira nitong coral reef sa Panatag Shoal.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, kapag ginawa ito ng Pilipinas ay hindi magiging maganda ang resulta nito sa bumubuting diplomatic relations ng Pilipinas at China.
Paliwanag pa ni Roque, kung magsasampa ng kaso ang Pilipinas laban sa China ay masisira ang magandang kooperasyon ng dalawang bansa lalo pa at mayroong umiiral na bilateral consultation mechanism.
Aniya, sa halip na kasuhan ay pwede namang pag-usapan ang pagkasira ng mga coral reef dahil bahagi naman ito ng Maritime Environmental Protection.
Pero para kay Acting Chief Justice Antonio Carpio, nilabag ng China ang obligasyon nito sa United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS na protektahan at pangalagaan ang karagatan.
Aniya, dapat ding mag-demand ang Pilipinas ng danyos sa pagsira sa coral reefs ng Chinese fishermen dahil sa pagkuha ng giant clams sa Panatag Shoal.
Naniniwala naman ang Administrasyong Duterte sa diplomasya at nakita naman ng lahat ang magandang resulta ng maayos na pakikipagusap ng Pilipinas sa China.